Posted by Mel Velarde
Filed in Arts & Culture 555 views

PRANGKAHAN: 1734 Murillo Velarde map matagal nakatago sa Harry Potter na kastilyo
By Ellen Tordesillas
May 8, 2017 at 12:00:19 am
Alam nyo ba na ang halos 300 taong Murillo Velarde map kung saan pinapakita na ang Panatag Shoal o Scarborough Shoal ay parte ng Pilipinas ay maraming taon ng nakatago sa isang kastilyo sa England na ginawang Hogwarts School of Witchcraft and Wizardry sa dalawang pelikula ni Harry Potter?
Ganito yun.
Noong 1734, nai-publish ng Jesuit na pari na si Pedro Murillo Velarde ang isang mapa ng Pilipinas na ginawa sa tulong ng dalawang Filipino: ang nagdrawing ay si Francisco Suarez at ang engraver ay si Nicolas de la Cruz Bagay.
Doon sa mapa makikita ang isang isla bandang Zambales at ang nakalagay na pangalan ay “Panacot.”
Bakit kaya Panacot ang tawag? Dahil kaya sa malalakas na alon sa lugar na yun? Ang tawag naman kasi ngayon ng mga mangingisda sa batong yan ay “Panatag” dahil doon sila banda nagtatago, bilang proteksyon sa malalakas na hangin at alon.
Ang mahalaga dito ay noon pa, tatlong siglo na nang nakakaraan, parte na ng Pilipinas ang Scarborough Shoal na ina-angkin ng China ngayon.
Noong 1762, pinasok ng mga pwersa ng Great Britain sa pamumuno ni Brigadier General William Draper ang Pilipinas at nang umalis sila ay dala nila ang kanilang mga kinuhang mahahalagang bagay sa mga simbahan at kumbento. Isa na dito ang mapa ni Murillo Velarde at ang mga copper plates na ginamit sa paggawa noon.
Pagbalik sa London, nakapag-imprinta ng ilang kopya si Draper ng Murillo Velarde map bago tinunaw ang mga copper plates dahil kailangan para gamitin sa paggawa ng armas sa giyera. Ang isang kopya nang mapa ay napunta sa Duke ng Northumberland, na isang kolektor ng mga antiques.
Ang kastilyo ng Duke ng Northumberland ay ang Alnwick Castle, na ginamit sa dalawang pelikula ni Harry Potter na Hogwarts School of Witchcraft and Wizardry.
Noong Abril 2012, nagkaroon ng baha sa Northumberland county at maraming nasira hindi lamang ang kastilyo kung di ang maraming bahay sa paligid.
Pinaayos ito lahat ng Duke ng Northumberland at gumastos siya ng sobra 12 million pounds. Naisip niyang ibenta sa auction ang ilan sa mga koleksyon ng kanyang ninuno na nakatago sa kastilyo at ang isa na doon ay ang Murillo Velarde map.
Nabalitaan ni Senior Justice Antonio Carpio at ni Velarde ang tungkol sa auction ng Sotheby’s noong November 4, 2012. Nagdesisyon si Velarde na sumali sa bidding para sa mamamayang Filipino at nakuha niya ang mapa sa halagang P12 million.
Isinumite ng pamahalaang Aquino sa kasong isinampa ng Pilipinas laban China sa Arbitral Court ang isang kopya ng Murillo Velarde map.
Noong Abril 28 lang nakuha ni Velarde ang mapa sa Sotheby’s sa London. Masayang-masaya siya na makikita na ito ng mamamayang Filipino. Idu donate niya ito sa National Museum. Sa June 12, Independence Day, balak nilang i-turnover ito kay Pangulong Duterte.
Magbibigay din si Velarde ng kopya ng mapa sa mga paaralan sa buong bansa para malaman ng mga kabataan kung ano ang sa Pilipinas. “Para malaman nila ang kanilang birthright,” sabi ni Velarde.
Blog: www.ellentordesillas.com
E-mail: ellentordesillas@gmail.com